Kahapon, nakatulog ako ng maaga at naiwanan ko ang aking TV na nakabukas. Siguro pagod ako o siguro boring ang palabas ng TFC. Pwede ring maganda dahil meron itong calming effect na nag induce para makatulog ako.
Sa kalagitnaan ng gabi, ako ay nagigising. At habang dahan dahan kong iminumulat ang mga singkit kong mata, napabaling ako sa palabas sa telebisyon.
Oras na pala ng Bandila at ang ipinakikitang news clip ay ang pagwasak ng labing-walong smuggled na sasakyan sa pag-gamit ng backhoe. Ito raw ay para sa walang kwentang anti-smuggling campaign ng Bureau of Customs.
Nakakatawa o nakakainis, matapos mawasak ang mga sasakyan at maipakita sa buong madla ang destruksyon, nagtalaga ng bantay ang Bureau of Customs with shoot to kill order sa mga taong gustong kahuyin o magnakaw ng ang mga skrap o pyesa na pwedeng gamitin at ipagbili.
Hindi ako eksperto sa batas ng customs o kung papapaano ito ipinatutupad sa mga kontrabandong bagay na nakumpiska ng ahensya, pero malinaw sa kin na sinayang lang ang mga ito. Para saan? Para sa ano? Palabas na walang kapararakan.
Habang sa tuwing ang mga kababayan natin ay nag dedemand ng mga basic services na dapat na ibinibigay sa kanila, ang karaniwang sagot ng mga tao sa gobyerno ay SORRY, NO FUNDS AVAILABLE pero heto, kahit saan silipin o kahit sino man ang tumingin, malinaw na pera, sinayang lang. Tulad sa kanta ng mga bata, “lumipad lang ang lobo, kung pagkain sana ang binili ko, nabusog pa ako.”
Pinipilit kung wag ng isipin ang rason sa pagwasak ng mga sasakyang ito pero umuukilkil sa aking maliit na utak na iisa lang ang gustong ipabatid ng Bureau of Customs, “WHO NEEDS THE MONEY ANYWAY.”
Sa dulo ng balita, sinabi sa report na the government fell short of their announcement that it would also destroy 14 other luxury cars due to unresolved legal issues. Have they come to their senses or someone powerful tells them to stop?
Only God and they know the answer.
Bago matapos ang balita sa Bandila, unti-unti namang bumabalik ang aking antok. At habang bumibigat ang aking mga mata, sumagi sa isipan ko ang mga kababaihan na kababayan natin na ngayon ay nasa pagkalinga ng Bahay Kalinga na pinatatakbo at pinamamahalaan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) dito sa Riyadh.
Ang mga kababaihang ito ay mga distressed OFW’s, karamihan ay kasambahay na tumakas sa mga malulupit, abusado at mahigit pa sa hayop na amo dahil sa maltreatment, sexual abuse or non-payment of wages. Sila rin ang isa sa mga segments ng mga OFW’s na gumagamit ng AXE at Charlie cologne at mag-aamoy air freshener ka daw pag gising mo kung katabi mo ang mga ito sa eroplano, na tinukoy sa lathalang “From Boracay to Greece” ni Malu Fernandez, ang hayop sa lakas ng bilib sa sariling matabang babae, isang irresponsible at mapanlait na kolumnista ng Manila Standard Today at People Asia Magazine at may paniwala na ang panlalait nya sa mga OFW’s ay “acerbic wit“.
Sa kasamaang palad ang acerbic wit na ito ay kinonsente ng editors ng Manila Standard Today at People Asia Magazine.
Sa kasalukuyan, mga 106 ang bilang nila na nagdurusa at naghihintay kung kailan darating o umaasa na lang na darating nga ang kanilang repatriation tickets mula sa OWWA. Habang walang kasiguruhan ang mga tickets na ito, patuloy silang magdurusa kasabay ng kani-kanilang mga asawa, anak, kapatid, magulang at mga kamag-anak na nasa Pilipinas.
Kung hindi lang sana gago ang mga taong nag-utos sa pagsira ng mga smuggled na sasakyan at bagkus ibenenta na lang ang mga ito at ipinambili ng repatriation tickets, maraming distressed OFW’s ang makakauwi na at makakasama na ang kanilang pamilyang nawalay sa kanila ng matagal.
Hay gulay, madaling araw na naman! Habang hinahatak na ko ng aking antok at hinahatak ko naman ang aking kumot, naisip ko bakit kaya malupit ang mundo sa ibang tao? Bakit kaya may mga gagong opisyal ng gobyeno, may mga taong katulad ni Malu Fernandez at may mga lathalaing tulad ng Manila Standard Today at People Asia magazine na hinahayaang maglabas ng mapang-lait na panulat?
Sino kaya ang may kasalanan o sino ba ang dapat sisihin? Meron ba o wala?
Pero kahit ganito kadilim ang aking pag-iisip, Masaya na rin ako dahil marami sa ating mga kababayang blagista ang hindi pinalagpas ang kalokohan ni Malu fernandez. Masaya rin ako, dahil kahit sa maliit na paraan, marami pa ring OFW’s ang marunong magmahal sa kapwa at walang sawang tumutulong sa mga kapos palad nating kababayan.
Dahil dito, meron pa ring ngiti sa aking mukha. Dahil kahit ano man ang mangyari, alam ko masarap maging PINOY. Ito ang dala ko sa aking pagtulog kagabi.